Nitong huling mga araw,mapapansin natin ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Unang linggo ng Oktobre ng magtaas ng 50 sentimos ang presyo ng mga produktong petrolyo. At syempre pa,pati LPG ay nagtaas rin. Ang per kilo ng bigas na mabibili noon ng P22.00 ay P25.00 na ngayon. Pati presyo ng mga infant milk, mantika, asukal, de lata, harina ay nagtaas.
Pati batayang serbisyo at yutilidad kagaya ng kuryente at tubig ay nagtaas rin. Subalit kabaliktaran naman ito sa kalidad ng pamumuhay ng mga Bicolano. Ayon sa survey ng Social Weather Station nito lamang Setyembre, umabot na sa 21.5% ang nagugutom. Mas tumaas ito kumpara sa 16.7% noong ikalawang kwarto ng 2006. Ibig sabihin, hindi tumatagos sa ordinaryong mamamayan ang sinasabing pag-unlad ng ating ekonomiya.
Dito sa Bikol, sa pagdaan ng kalamidad na Reming noong nakaraang taon, di pa nga nakakarekober ang mga Bikolano ay nandito na naman ang kalamidad ng kagutuman at kawalan ng mga serbisyong sosyal. Wala na ngang bahay na masisilungan ang ating mga kababayan ay wala pang makain dahil sa hindi na natin makayanan ang sobrang tataas ng mga bilihin.
Ang sagot ng gobyerno: pasakit na EVAT, COMMON CARRIER TAX o ang 3% direktang buwis na ipapataw sa mga operator ng pampublikong sasakyan at kung anu-ano pang mga anomalyang kanilang kinasasangkutan mula sa ZTE broadband deal, JPEPA ( Japan Philippine Economic Partnership Agreement) at suhulan diumano sa pag-eendorso ng Impeachment case kay GMA. Mga programa na hindi sumasagot sa problema ng taumbayan.
Palala na ng palala ang kahirapan at kagutuman ang nararanasan ng taumbyan. Walang pakialam at makasarili si Gloria sa karahasang pang-ekonomiya at pampulitika maging sa karahasan sa mga kababaihan.
Sa kaso ng ating mga kababayang OFW na namamatay sa ibang bansa ay wala tayong marinig na pahayag ng simpatya o pagsigaw ng hustisya para sa ating mga kabaro.
Sa lahat ng karahasang nararanasan natin lalo na ang karahasang pang-ekonomiya, tayong mga kababaihan ang unang sumasalo sa hirap at karahasan dahil tayo ang unang nakakaramdam at nakakakita sa epekto ng mga pahirap na ito sa ating pamilya. Kaya’t sa nalalapit na paggunita natin sa World Food-less Day sa Oktubre 21, ating itatambol sa ating gobyerno ang kahilingan ng sambayanan.
Filed under: Bicol News | Tagged: Bicol, Crisis, Economy, Philippines












