Ang labintatlong (13) taon na ang RA 7942 o Mining Act of 1995 ay nagdulot ng pagkasira sa kagubatan, pagpatag sa mga bundok, pagkalason ng yamang tubig at pagkasira sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Subalit ayon sa nag-isponsor ng batas na ito na si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo na noo’y senador pa lamang, ang batas na ito raw ang magbibigay daan sa industriyalisasyon ng pagmimina sa bansa. Subalit sa labintatlong taong pagiging epektibo ng batas na ito wala pa rin makitang pag-unlad sa industriya ng pagmimina sa bansa at lalong nalulugmok sa komunoy ng kahirapan ang mga mamamayang nakatira sa mga lugar kung saan isinasagawa ang pandarambong sa ating likas yaman. Nananatiling export oriented at import dependent ang pagmimina sa bansa.
Sa kasaysayan ng pagmimina sa Pilipinas di kailanman napakinabangan ng mamamayan ang kayamanang binubungkal sa kanilang lupain dahil sa patakarang liberalisasyon sa ilalim ng Mining Act of 1995, tanging ang mga dayuhang mamumuhunan at iilang kasosyo nitong lokal ang patuloy na nakikinabang nito. Ang RA 7942 ang naging daan sa mas matindi at tumitinding dayuhang pandarambong sa kayamanan ng Pilipinas. Ito rin ang naging instrumento ng mga nasa kapangyarihan upang unti-unting ibenta ang ating pambansang patrimonya at soberanya sapagkat sa ilalim ng batas na ito ay binibigyang laya ang mga dayuhang kapitalista ng 100% pagmamay-ari ng lupa at sa ilalim ng Mining Revitalization Program 30% ng bansa ay nakalaan sa pagmimina. Sa kasalukuyan 2,000 mining permit ang nasa proseso ng pag-apruba.
Sa loob ng labintatlong taon ng batas na ito nananatiling mahihirap ang mga probinsya/munisipyo kung saan may operasyon ng mina. Halimbawa na dito ang probinsya ng Masbate partikular sa Bayan ng Aroroy dekada na ang pagmimina dito subalit nananatiling isa ang probinsyang ito sa pinakamahihirap na lalawigan sa buong bansa. Ang Bayan ng Rapu-Rapu kung saan hanggang sa kasalukuyan nananatiling 4th class Municipality. Ito’y dahil na rin sa patakarang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) na ayon sa batas, binibigyan ng limang taong tax holidays ang mga dayuhang kapitalista at dalawang taon pang ekstensyon. Dalawang porsyento (2%) lang din ang bahagi ng gobyerno sa anyo ng excise tax. Masaklap pa dito, hinahayaang direktang mailabas ng bansa ng mga dayuhang kapitalista ang namiminang mineral na hindi dumadaan sa inspeksyon ng mga ahensya ng gobyerno.
Ipinapakita lamang nito na walang tunay na pag-unlad sa industriya ng pagmimina sa ilalim ng Mining Act of 1995 at sa patakarang liberalisasyon ng pagmimina sa bansa. Lalo lamang nitong pinatitindi ang dayuhang pandarambong kung saan walang ibang hatid sa mga mamamayan kundi pagkasira ng kalikasan, at pagkawala ng buhay at kabuhayan ng mamamayang Pilipino. Ang batas na ito ay hindi nagsisilbi sa interes ng mamamayan tulad ng mayor na nagsulong nito na si Gloria Macapagal-Arroyo at marapat lamang na ibasura.
Isinusulong ng BAYAN-Bikol ang panawagang isabansa ang industriya ng pagmimina at ibasura ang Mining Act of 1995. Gayundin ang panawagan sa malawak na hanay ng mamamayan na makiisa at kumilos upang ipagtanggol ang pambansang patrimonya laban sa dayuhang pandarambong. Naniniwala ang BAYAN-Bikol na ang lupa at kayamanan ng Pilipinas ay dapat pakinabangan ng malawak na mamamayang Pilipino at hindi ng mga dayuhan at iilang tao lamang.
IPAGLABAN ANG PAMBANSANG PATRIMONYA LABAN SA DAYUHANG PAGMIMINA AT IMPERYALISTANG PANDARAMABONG!
ISABANSA ANG INDUSTRIYA NG PAGMIMINA, IBASURA ANG MINING ACT OF 1995!
BATAS SA PAGMIMINA AT GLORIA IBASURA!
Sanggunian:
Tessa Lopez
Tagapagsalita
Filed under: Bicol News, Economy, Environment | Tagged: Bicolano's suffering, Environmental destruction, Mining Act of 1995












